By Yllang Montenegro
Noong nakaraang taon ay pumunta ako sa Japan para makasama ang aking asawang si Bong na nagta-trabaho bilang isang Overseas Filipino Worker (OFW). Isa ring dahilan ay para matulungan ko syang makapag-ipon dahil tatlo kami ng aming mga anak na nag-aaral. Ako ay nagbalik unibersidad para lumago ang kaalaman at mapalakas ang sarili sa larangan ng sining.
Ako ay si Cecille Pauline Sanglap Montenegro mas kilala sa alyas na Yllang, isang migrante, peminista at artista.
Nag-umpisa akong magpart time work noong Agosto 2019 sa hotel sa Umeda Osaka bilang room service cleaner. Naging magandang karanasan sa akin ang pagtrabaho sa hotel. Ito ang pangalawang trabahong napasukan ko sa Japan maliban sa pagiging OPA (Overseas Performing Artist o entertainer) ng dalawampung taon.

Tuwing Martes na araw ko ng pahinga ay madalas akong mag-isang umiikot sa iba’t ibang museo sa Hyogo at Kansai Prefecture. Nagkaroon ako ng interes at namangha sa kagandaan at proseso ng paglikha ng mga wood block prints, mga sining na likha noong 1700s hanggang 1800s.
Pagpasok ng taong 2020, ang orihinal na plano naming mag-asawa ay mauuna akong umuwi sa buwan ng Abril. Dapat ay ako lang muna dahil ihinahanda ko ang sarili para sa susunod na pasukan sa unibersidad pero napagkasunduan naming sabay na kaming uuwi ng Pilipinas. Nag-resign sya sa trabaho at nag-apply ng bagong mapapasukan sa Pilipinas. Kahit paano ay may naitabi naman kaming kaunti para panggastos sa susunod na pasukan at nasasabik na kaming umuwi at makasama ang aming mga anak.
Paano ang ibang migranteng manggagawang, kumusta kaya sila? Papaano ang sitwasyon ng mga estudyanteng stranded sa ibang bansa at nag-aalala kung papaano makakauwing ligtas kasama ang kanilang mga pamilya? Papaano ang mga magulang na nalulumbay at patuloy na nag-aalala para sa kaligtasan ng mga anak?”
Nung Pebrero at Marso ay umiingay na ang balita tungkol sa coronavirus disease (COVID-19) kaya nag-alala kami kung makakauwi nga ba kami o hindi. Makalipas ang ilang buwan ay nagkatotoo nga ang aming hinala, isang lingo bago sana kami uuuwi sa Pilipinas ay na-cancel na ang aming flight. Nag-alala kami dahil parehas na kaming walang trabaho. Wala na rin kaming matitirhan dahil tapos na ang kontrata ng nirerentahan naming bahay kaya humingi kami ng tulong sa mga kaibigan. Nakipag-ugnayan kami sa NGO Network assistance for Foreigners in Kobe at sa Asian Shokudo Sala, isang restaurant na naging gallery noon ng aking mga sining likha.
Mapalad naman na nabigyan kami ng tulong at lugar na matutuluyan habang hinihintay ang aming susunod na schedule ng pag-uwi. Simula Abril ay pitong beses nang nakansela ang aming byahe pauwing Pilipinas kaya nakiusap kami sa aking kaibigan at tagasuportang si Naoko Kuroda, ang tagapamahala ng Asian Shokudo Sala, kung maaari muna kaming magpart time na trabaho ng aking asawa sa kanyang restaurant.
Ang restaurant ni Naoko ay isang social enterprise na tumutulong sa mga kababaihang migranteng nakatira sa Japan. Bago ito magbukas noong 2016 ay naimbitahan ako ni Naoko na bumuo ng konsepto tungkol sa empowerment, kaya nalikha ang mural sa loob ng restaurant na pinamagatang, “Empowerment of all People” na sa kinalaunan ay naging pangitain ng restaurant.


Sabi ni Naoko, simula noong Marso ay take-out lamang ang naibebenta sa restaurant. Lahat ng mga manggagawa at chef ay hindi makapasok sa trabaho dahil sa takot na dala ng pandemya kaya hindi kami matanggap bilang part timer sa kasalukuyan. Napagkasunduan naming bumuo na lang ng proyekto habang malaki pa ang problemang pang-ekonomiya.
Nagbukas ang Sala ng crowd funding campaign, ang “Save the Future of Sala” para makabangon muli. Ginamit ko ang aking kakayahan sa sining at sa tulong ng aking asawa na tumayong graphic designer at digital editor, maraming sining likha ang aming nabuo. Si Naoko naman ang tumutok sa online campaign para sa crowd funding na nagsimula noong May 7 hanggang May 31. Naging matagumpay ang proyektong ito.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang pakikipagtulungan namin sa Sala. Nabigyan ng pagkakataong ipakita ng aking asawa ang kanyang kakayahan sa pagluluto. Nagbebenta kami ng mga lunch boxes (obento) tuwing linggo na tinawag kong “FilipinObento.” Naghanda rin kami ng special Filipino dinner set na tinawag naming “Philippines Night.” Ako ang taga-ayos at taga-salansan ng mga kagamitan at pagkain habang nagbebenta na rin ng mga postcards.

Alam kong mapalad kami dahil may mga kaibigan at tagasuporta kaya kahit papaano ay nalalagpasan namin ang mga problemang kinakaharap. Iniisip ko, paano ang ibang migranteng manggagawang katulad namin ang sitwasyon, kumusta kaya sila? Papaano ang sitwasyon ng mga estudyanteng stranded sa ibang bansa at nag-aalala kung papaano makakauwing ligtas kasama ang kanilang mga pamilya?
Papaano ang mga magulang na kagaya naming nalulumbay at patuloy na nag-aalala para sa kaligtasan ng mga anak? Sa totoo lang ay napakahirap ng hindi makauwi, walang trabaho at walang permanenteng matitirahan, napakahirap ng walang kasiguraduhan ang buhay.
Tuwing gumigising ako ay puro pag-aalala ang nasa isipan ko kaya araw-araw ay nagbabasa at nanonood kami ng balitang kaganapan sa Pilipinas. Masyadong masaklap na nga ang katayuan ng mamamayang Pilipino sa kasalukuyang rehimen, nandyang pang idagdag ang pandemya at kahirapan.

Isa ito sa dahilan kaya araw-araw ay nagse-sketch at umuukit ako ng obra mula sa mga balita. Gamit ang inspirasyon mula sa mga woodcut prints na kung tawagin ay Ukiyoe ay lumilikha ako ng mga imaheng galing sa mga kwento mula sa Pilipinas at sitwasyon ng mga migranteng kasalukuyang stranded sa iba’t ibang parte ng mundo kagaya namin.
Ang paglikha araw-araw ang nagliligtas sa akin mula sa kalungkutan, pagkabahala at pangungulila sa aking mga anak. Ito rin ang nagbibigay sa akin ng lakas na pang- emosyonal, espirituwal hanggang pang-pinansyal. Ang paglikha ng sining ay paraan na rin para maibahagi ko ang saloobin sa mga kasalukuyang nangyayari sa mga Pilipino. Ito ay nagbibigay ng diwa upang mas maunawaan ang kasalukuyang hinaharap nating mga Pilipino lalong lalo ng mga isyung tumatalakay sa buhay ng mga manggagawang kababaihan sa kabundukan, syudad at sa loob at labas ng bansa.


Ang limbag ng mga postcards gamit ang inukit na kahoy at goma ang naging daan ko para makipag-ugnayan sa mga mahal sa buhay, mga kaibigan at pamilyang nasa iba’t ibang parte sa mundo. Iba pa rin ang nahahawakan ang mensahe mula sa koreo.
Ang iniisip ko ngayon ay kung paano magpatuloy kahit hindi pa man kami makakauwi o kahit ano pa man ang mga hadlang sa buhay. Araw-araw tuwing gumigising ako ay ginagawa ko ang aking regular na gawain, ang lumikha at bumuo ng kwento gamit ang kahit anong media para makagawa ng sining. WWW